-- Advertisements --

Malamig si Senate President Vicente Sotto III sa mga mungkahing imbestigahan ng mataas na kapulungan ng Kongreso ang umano’y mga anomalya sa hosting ng bansa sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games.

Una nang naghain ng hiwalay na resolusyon sina Sen. Risa Hontiveros at Leila de Lima na naghihimok sa Senado na siyasatin ang mga iregularidad sa pondong inutang para sa pagpapagawa ng mga sports venues, maging ang paraan sa pagkakagastos nito.

“We garnered an unprecedented medal haul in the recent SEA Games and instead of congratulations, we will reward the people behind with investigations? Huwag ganun,” mensahe ni Sotto.

“Ombudsman mag-investigate. Puwede din sa kanila file complaint,” dagdag nito.

Una rito, nagbigay ng privilege speech si Hontiveros at humirit sa Senado na imbestigahan ang P9.5-bilyong inutang ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) para pondohan ang pagpapagawa ng pasilidad para sa 2019 SEA Games.

Ayon sa senadora, posibleng peke ang naging joint venture sa pagitan ng BCDA sa isang Malaysian firm para lamang matapos ang pasilidad na gagamitin sa nasabing sporting event.

Hindi naman naitago ni Sen. Pia Cayetano ang kanyang panggagalaiti at iginiit na kinukulayan lamang daw ng senador ng malisya ang tagumpay ng bansa sa SEA Games.

Matatandaang si Pia ay kapatid ni Taguig Rep. Alan Peter Cayetano, na siyang chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na siyang punong tagapangasiwa ng palaro.