MANILA – Lumalabas na nasa National Capital Region (NCR) ang pinakamalaking porsyento ng mga na-detect na kaso ng B.1.351 (South Africa) at B.1.1.7 (United Kingdom) variants sa Pilipinas.
Batay sa datos na inilabas ng Department of Health, 45 mula sa kabuuang 58 kaso ng South African variant ang natukoy na mula sa NCR.
Dalawa ang muna sa hanay ng returning overseas Filipinos (ROFs), habang 11 ang inaalam pa kung saan nakatira.
Sa ngayon nagpapagaling pa raw o active cases sa ngayon ng coronavirus ang 55 mula sa total, habang tatlo ang gumaling na.
Samantala, sa kabuuang 118 cases naman ng UK variant, 29 ang mula rin sa Metro Manila.
Ito ang ikalawa sa listahan ng may mataas na bilang ng B.1.1.7 variants, sumunod sa hanay ng ROFs na may 52 kaso.
Ikatlo naman ang Cordillera region na may 25 UK variant cases, at tig-iisang kaso sa Davao region, Calabarzon, at foreign national.
Mayroon pang siyam na inaalam kung saan ang address.
Ayon sa DOH, dalawa ang binawian ng buhay mula sa kabuuang bilang ng B.1.1.7 cases. May 77 nang gumaling, at 39 na active cases.
Nitong araw nang aminin ng Health department na nadagdagan pa ng 52 ang bilang ng South African variant. Pati na ang UK variant cases na may 31 bagong na-detect na kaso.
Bukod sa variants, may natukoy din ang pamahalaan na 42 bagong kaso ng “mutations of potential clinical significance” matapos ang ika-siyam na batch ng genome sequencing.
Kaya sumirit din sa 85 ang total ng N501Y at E484K mutations sa bansa.
Batay sa tala ng DOH, pinakamaraming kaso ng mutation ang naitala sa confirmed cases ng Central Visayas, kung saan umabot sa 70.
Sumunod na pinakamataas sa NCR na may pito (7), Western Visayas na may tatlo (3), at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na may dalawa (2).
Tig-iisang kaso ng mutation naman ang naitala sa Northern Mindanao, Davao region, at isa ang inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Mula sa 85 total mutations, 62 na raw ang gumaling at 21 ang nagpapagaling pa.
Wala namang namatay, pero may dalawang hindi pa alam kung taga-saan nakatira.
Inamin ng epidemiologist na si Dr. John Wong na maaari pang madagdagan ang bilang ng variants at mutations habang pinalalakas ng gobyerno ang biosurveillance.
“Yung number ng cases that we’re seeing now should not be seen as the maximum number of people who have the variant. There could be more than that.”
Kaya naman paalala niya sa publiko na panatilihin ang pagsunod sa health protocols, lalo na’t sinasabing mas nakakahawa ang mga natukoy na variants ng SARS-CoV-2 virus.
“Vaccines are here but it will be a long time before its our turn. The best thing to do is continue to wear your face mask and face shield. They’re as effective as vaccines.”
Ngayong araw, pumalo sa 3,045 ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, na pinakamataas sa loob ng halos limang buwan.
Umaabot na sa 587,704 ang kabuuang bilang ng coronavirus cases sa Pilipinas, higit isang linggo bago unang ipatupad ang lockdown sa bansa.