MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi pa dominant o malawak ang pagkalat ng COVID-19 variant of concern na B.1.351 sa Pilipinas.
DOH holds press briefing. Usec. Vergeire clarifies that the B.1.351 variant of concern (South Africa) is not the dominant COVID-19 variant in the country. | @BomboRadyoNews pic.twitter.com/KSJcvmRQ10
— Christian Yosores (@chrisyosores) May 5, 2021
Ang B.1.351 ay ang variant o bagong anyo ng COVID-19 virus na SARS-CoV-2, na unang nadiskubre sa South Africa.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, lumabas lang sa datos na ang tinaguriang “South African variant” ang may pinakamalaking bilang na na-detect mula sa mga pinag-aralang samples.
“It doesn’t mean na ito yung dominant variant dito sa Pilipinas, ang ating sinasabi lang, ngayon itong South African variant ang may pinakamadaming na-detect tayo among these 7,000 plus samples that we have processed for whole genome sequencing,” ani Vergeire sa isang media forum.
Paliwanag ng opisyal, piling samples lang kasi ang isinailalim sa “whole genome sequencing” dahil limitado lang din ang bilang na pwedeng dumaan sa naturang proseso.
“Yung sampling natin, purposeful yan. Ibig sabihin we get samples from those areas with clustering of infection, with linkages to specific individuals who tested positive to these variants, areas na closed institution, at travelers natin.”
“So hindi pa natin ma-ascertain kung sila na yung prevalent na variant dito at masasabing may community transmission na dito.”
Batay sa datos ng DOH, mayroon nang 1,075 cases ng South African variant sa bansa. Katumbas nito ang 18%.
Ang mga B.1.1.7 o UK variant cases ay nasa 948 o 16%. Habang 0.3% naman o dalawa ang bilang ng P.1 o Brazilian variant.
Nasa 2.6% o 157 ang bilang P.3 variant, na unang nadiskubre sa Pilipinas, pero “variant under investigation” pa lang.
Ayon kay Vergeire, karamihan sa mga naitalang kaso ng B.1.351 at B.1.1.7 ang nasa National Capital Region at Region 4A.
Tinatayang 602 ang South African variant cases ng NCR, 358 sa UK variant, at 39 kaso ng P.3.
Sa Calabarzon naman, may 121 kaso ng South African variant, 145 kaso ng UK variant, at anim na kaso ng P.3.
Taglay ng mga variant mula United Kingdom, South Africa, at Brazil ang “N501Y” mutation o pagbabago sa anyo ng virus, kaya mas mabagsik na itong makahawa sa ibang tao.
Pareho namang may “E498K” o escape mutation ang South Africa at Brazil variant. Binibigyan nito ng kakayahan ang virus na labanan ang bisa ng mga bakuna.
Sa kabila nito, inirerekomenda pa rin daw ng World Health Organization (WHO) at mga eksperto ang pagtuturok ng COVID-19 vaccines.
“Wala pang mga full evidence na masasabing hindi siya epektibo… because the benefits outweighs the risk we continue on vaccinating our citizens here in the Philippines.”