-- Advertisements --

Pinag-usapan at nagpalitan din ng opinyon sina Pangulong Rodrigo Duterte at Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad kaugnay sa ilang regional at international issues na kapwa may concern ang Pilipinas at Malaysia.

Sa joint statement ng dalawang lider, sinabi ni Prime Minister Mahathir na kabilang sa mga natalakay nila ni Pangulong Duterte ay ang pagpapalakas pa ng kooperasyon sa ASEAN region at maging ang usapin sa South China Sea.

“We also exchanged views on a number of regional and international issues of mutual interests, such as the South China Sea and cooperation within ASEAN,” ani Prime Minister Mahathir.

Ayon kay Pangulong Duterte, kapwa nila binigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapanatili at pagsusulong ng kapayapaan, katatagan, seguridad, kaligtasan, freedom of navigation at overflight sa South China Sea.

Inihayag pa ni Pangulong Duterte na nabanggit din sa pulong ang hanggad ng international community para sa kapayapaan at katatagan sa Korean Peninsula.

“We emphasized the importance of maintaining and promoting peace, security, stability, safety and freedom of navigation and overflight over the South China Sea, as well as the peaceful settlement of disputes. This is, without resort to the threat or use of force, in accordance with the universally recognized principles of international law,” ani Pangulong Duterte.

Pero hindi naman tinalakay ng dalawang lider ang isyu ng Sabah.

Una ng pinaninindigan ng Malacañang ang claim ng Pilipinas sa pinagtatalunang isla.

Ang Sabah ay isang teritoryong idineklarang parte ng Malaysian Federation taong 1963.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, matagal nang idinedeklara ng bansa, kahit pa noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na may pagmamay-ari tayo sa Sabah.

Taliwas ito sa sinabi ni Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad sa isang interview kaninang umaga na hindi claimant ang Pilipinas.