KORONADAL CITY – Tinututukan ngayon ng ilang mga South Cotabateños ang “war of words” sa pagitan ng dalawang matataas na opisyal ng lalawigan kaugnay sa usapin ng pagbabalik ng small town lottery (STL).
Ito ay matapos iniutos ni South Cotabato Governor Reynald Tamayo Jr., ang pag-aresto kay Walter Ozaeta alyas Mike Macalindong na isa pa lang wanted person sa Batangas matapos ang pagpunta nito sa kaniyang satellite office sa bayan ng Tupi para sa panunumbalik ng STL operation sa lalawigan ng South Cotabato.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Tamayo, hindi umano ginawa ni provincial police director Col. Joel Limson ang kaniyang tungkulin na i-background check ang naturang indibidwal na wanted pala sa kasong kidnapping.
Ngunit depensa ni Limson, wala siyang kaalam-alam na isang wanted person si Ozaeta dahil ipinakilala lamang siya ng ilang STL operations lalo na ng isang nagpakilalang Mike Macalindong.
Inakusahan din ng police official ang gobernador ng pagbibigay ng P50,000 sa police at military teams kung saan galing umano ang pera sa intel funds ng gobernador.
Nabatid na inindorso ni Limson si Ozaeta kay Tamayo upang pag-usapan ang legalisasyon ng operasyon ng STL sa probinsya ng South Cotabato at Sultan Kudarat.