KORONADAL CITY – Muling inilagay ang buong lalawigan ng South Cotabato sa general community quarantine (GCQ) bunsod ng muling pagdami ng mga naitatalang positibong kaso.
Ito ang nilalaman ng Executive Order No. 54 ni Governor Reynaldo Tamayo bilang hakbang upang maiwasan ang pagkalat pa ng virus sa lalawigan kung saan magtatagal ito hanggang Setyembre 30, 2020.
Sa naturang kautusan, ipinapatupad din dito ang provincial border lockdown nito mula sa mga karatig-probinsya.
Kabilang sa laman nito ay ang pagpapaigting ng local contact tracing system, pagsuot ng face mask at face shield, at basic health protocols.
Mananatili namang bukas ang lahat na mga economic activities upang mapanatili ang ekonomiya sa lalawigan.
Kung matatandaan, hiniling ng grupo ng mga health workers ang mas mahigpit pang quarantine measures upang masugpo ang pagkalat ng COVID-19.