KORONADAL CITY – Inilagay na ng Department of Agriculture sa Red Alert Status dahil sa African Swine Fever o ASF ang buong lalawigan ng South Cotabato.
Ayon kay Governor Reynaldo Tamayo Jr., epektibo na ang pagpapatupad ng restriction sa pagpapalabas ng mga baboy at pork by products sa lalawigan lalo na sa mga bayan ng Banga at Surallah na tinamaan ng ASF.
Dagdag pa ng gobernador, sinubukan ng Provincial veterinary office o PVET at DA na pigilin ang pagkalat ng ASF ngunit nabigo ang mga ito dahil hindi maiiwasan na mayroong mga hog raisers na nanghihinayang sa kanilang mga alagang baboy.
Inihayag pa ng opisyal na may mga hog raiser din na tinatago at kinakatay ang kanilang mga alaga at ibinebenta pa ang karne nito kaya’t mabilis ang pagkalat ng ASF sa lalawigan.
Kaugnay nito, nanawagan ang gobernador sa mga large scale at backyard hog raisers sa South Cotabato na kung may makikitang sintomas ng ASF, i-report agad sa mga kinauukulan para magawan ng aksiyon at maagapan.
Tiniyak din nito na babayaran ang bawat baboy na ma-depopulate o masama sa gagawing “culling” dahil sa ASF.
Matatandaan na isinailalim sa culling ang mga baboy sa mga bayan ng Banga at Surallah na unang nakumpirmang positibo sa sakit.