KORONADAL CITY – Posibleng isailalim na rin sa state of calamity ang lalawigan ng South Cotabato dahil sa patuloy na pagdami ng kaso ng dengue.
Ito’y matapos maitala sa 135% ang pagtaas ng kaso ng naturang sakit, mas mataas kumpara noong nakaraang taon.
Sinabi sa Bombo Radyo Koronadal ni OIC provincial health officer Dr. Alah Baby Vingno, na batay sa datos ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit (PESU) noong Enero hanggang Hulyo 6, 2019 naitala na sa 16 ang nasawi kung saan tatlo rito ay mula sa bayan ng Surallah habang may tig-dalawa naman sa mga bayan ng T’boli, Sto Nino, Polomolok, Banga, at lungsod ng Koronadal.
Maliban dito, patuloy ring tinututokan ang mga bayan ng Sto Nino, Tantangan, Surallah, Tampakan, Norala at Banga dahil sa tumataas na kaso ng dengue.
Batay sa general rule ng IPHO, maaaring madeklara ang state of calamity sa probinsya kapag mahigit dalawang bayan ang nagkaroon ng outbreak.
Kaya nagpaalala ang opisyal na paigtingin ang programang search and destroy method sa mga breeding sites ng lamok at pagsasasagawa ng fogging sa mga natukoy na mga hotspots.