KORONADAL CITY- Patay ang isang miyembro ng South Cotabato Provincial Security Unit matapos pagbabarilin ng pinaniniwalaang riding-in-tandem suspects sa Gensan Drive Koronadal City.
Kinilala ang biktima na si Robert Corneta, 41 anyos, single, residente ng Prk. Bagong Sikat, Brgy. GPS, Koronadal City.
Napag-alaman na papuntang South Cotabato Provincial Capitol ang biktima nang binaril ito ng anim na beses ng mga suspek gamit ang kalibre 45 na baril.
Tinamaan sa ulo ang biktima na naging dahilan ng kaniyang agarang pagkamatay.
Sa ngayon patuloy pang inaalam ang motibo sa krimen kung saan ilan sa mga anggulong tinututukan ay may kinalaman sa kaniyang trabaho pati na ang posibilidad ng personal grudge.
Napag-alaman na dati na ring naging jail guard ng South Cotabato Provincial Rehabilitation and Detention Facility si Corneta na nirelieve sa trabaho bago naging PSU member.