Inanunsyo ng South Korea na nagkaroon sila ng pulong kasama ng top diplomat ng China tungkol sa iba’t ibang usapin tulad ng kalakalan at coronavirus response.
Ito ang kauna-unahang pagbisita ng isang mataas na opisyal ng gobyerno ng China mula nang magsimula ang COVID-19 pandemic noong huling bahagi ng nakalipas na taon.
Sa pahayag ng South Korean government, nakipagpulong si Yang Jiechi, miyembro ng Communist Party Politburo, sa bagong national security adviser ng South Korea na si Suh Hoon sa siyudad ng Busan.
Kabilang din sa mga natalakay ang pagpapabilis pa ng free-trade agreement negotiations, pagpapalawig ng cultural exchange, at eleksyon para sa World Trade Organization (WTO) Director General.
Tinalakay din ni Yang ang posisyon ng Beijing sa kasalukuyang relasyon ng Estados Unidos at China, at binigyang-diin naman ni Suh ang importansya ng ugnayan para sa kapayapaan sa Northeast Asia.
Ang pulong ay kasunod ng pansamantalang pagtigil ng bilateral exchange sa pagitan ng dalawang bansa bunsod ng pandemya, na dahilan din kaya nahinto ang mga negosasyon tungkol sa denuclearization ng North Korea. (Reuters)