Magpapadala ng isang team ng mga eksperto at P11 million na halaga ng kagamitan ang South Korea upang tumulong sa paglilinis ng Mindoro oil spill na dulot ng lumubog na oil tanker noong nakaraang buwan.
Ayon sa Korean Embassy sa Manila na apat na tauhan mula sa Korea Coast Guard (KCG) ang darating sa Maynila sa Marso 27 upang mahigpit na makipagtulungan sa Philippine Coast Guard upang tugunan ang malawakang oil spill.
Maghahatid din ang Korea ng 20 toneladang sorbent pad at snares, 1,000 meters ng solid flotation curtain boom, at 2,000 set ng personal protective equipment (PPE) para sa mga coast guards.
Ang mga item na nagkakahalaga ng $210,000 o humigit-kumulang PHP11.4 million ay inaasahang darating sa Abril 5.
Sinabi ng Embahada na ito ang unang pagkakataon na ang South Korea ay nagpaabot ng tulong para sa pag-iwas sa marine pollution.
Ang Korea raw ay patuloy na susuportahan ang pagtugon ng Pilipinas at mga pagsisikap sa paglilinis upang mapabilis ang pagbawi ng mga apektadong bayan at kabuhayan ng kanilang mga residente at upang maiwasan ang karagdagang pinsala sa mga likas na yaman nito.
Una na rito, ang Korea ay ang ikatlong bansang nagpaabot ng tulong sa Pilipinas mula nang lumubog ang oil tanker na MT Princess Empress sa bayan ng Naujan sa Oriental Mindoro.