KALIBO, Aklan – Natanggal na sa binansagang hotspot ng worldwide tally ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic ang bansang South Korea.
Ayon kay Bombo International Correspondent Norma Macquitt ng Daegu City, South Korea, binawi na ng gobyerno ang lockdown sa naturang lugar matapos na nakontrol ang pagkalat ng nakamamatay na sakit.
Nasa limang porsiyento na lamang umano ang panganib na kinakaharap ng bansa matapos ang tuloy-tuloy na pagbaba ng kaso sa loob ng dalawang buwan na naka-home quarantine ang mga mamamayan doon.
Malaya na umano silang maglakad ngayon na walang pangamba at takot na nararamdaman.
Malungkot lamang umano dahil hindi na nakabawi ang ilang mga maliliit na negosyo maliban lamang sa mga malalaking establisimento na may pahabol na kapital.
Pinayuhan naman ni Macquitt ang mga Pinoy na sumunod sa ipinapatupad na polisiya ng gobyerno dahil napatunayan umano sa South Korea na epektibo ang stay at home order.