-- Advertisements --

Bumoto ng pabor ang mayorya ng parliament ng South Korea para sa impeachment ni Acting President Han Duck-Soo ngayong araw ng Biyernes, Disyembre 27.

Ito ay 2 linggo matapos i-impeach ng South Korean lawmakers si President Yoon Suk-yeol matapos ang nabigong deklarasyon nito ng martial law noong Disyembre 3.

Nasa kabuuang 192 mambabatas ang bumoto ng pabor para sa impeachment ni Han na mahigit pa sa 151 votes na kailangan para ito ay maipasa.

Matatandaan, inihain ng main opposition na Democratic party ang impeachment motion nitong Huwebes matapos tanggihan ni Han na punan ang 3 bakanteng upuan sa Constitutional Court na siyang magpapasya sa impeachment trial ni Pres. Yoon.

Inakusahan ng oposisyon si Han na tumatanggi umano sa demands para makumpleto ang proseso ng impeachment kay Yoon.

Subalit, nagprotesta ang mga mambabatas mula sa ruling party nina Yoon at Han na People Power Party (PPP) matapos i-anunsiyo ni National Assembly Speaker Woo Won-shik na tanging 151 boto na lang ang kailangan para maipasa ang impeachment bill.

Nangangahulugan na hindi na kailangan pa ng mga boto mula sa mambabatas mula sa ruling party para mai-impeach si Han.

Kaugnay nito, nagtipun-tipon ang members of parliament mula sa ruling party sa gitna ng botohan at sumisigaw na ito ay invalid at abuse of power. Bilang tugon, nanawagan sila para sa pagbaba sa pwesto ng House Speaker at karamihan sa kanila ay binoycott ang botohan.

Samantala, masususpendi muna si Han mula sa mga tungkulin nito sa oras na opisyal na siyang maabisuhan ng parliament.

Tulad ng kaso ni Pres. Yoon, kailangan na kumpirmahin o pagtibayin ng constitutional court ang impeachment ni Han kung saan may 180 days ito para pagpasyahan kung pagtitibayin nito ang impeachment ni Han.

Sa panig naman ni Han, sinabi nito na kaniyang iginagalang ang desisyon ng National Assembly at aantayin ang magiging desisyon ng korte.