-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nakatakdang maglabas ng total ban ng imported garbage ang South Korean government, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging ibang mga bansa.

Ginawa ni South Korean Ministry of Environment Director General Jung Young-dae ang katiyakan nang magkaroon ng bilateral meeting ang Pilipinas at South Korea sa mismong bisinidad ng Mindanao Container Terminal (MCT) sa Tagoloan, Misamis Oriental, nitong linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni MCT collector John Simon na ito ay kabilang sa maraming napagkasunduan ng dalawang bansa upang hindi na maulit ang pagkapuslit ng mga basura na pagmamay-ari ng Verde Soko Philippines Incorporated sa bayan ng Tagoloan noong Hulyo 2018.

Sinabi ni Simon na pinagsisikapan din ng dalawang bansa na maibalik na sa mas madaling panahon ang mahigit 5,000 toneladang Verde Soko garbage sa loob ng buwang ito.

Nabatid na sumipot din ang ilang opisyal ng Verde Soko at tiniyak nila na sila ang sasagot sa re-bagging ng mga basura papasok sa MCT para mas mapadali ang pagsakay nito ng South Korean carg vessel sa Hunyo 30 nitong taon.