Matagumpay na naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang isang South Korean National na wanted umano sa kanilang bansa dahil sa kasong fraud.
Kinilala ang fugitive na si Son Sobeom ,33 anyos at siya ay naaresto sa Camp Crame, Quezon City.
Naaresto si Son matapos na magsagawa ang Bureau of Immigration Fugitive Search Unit, Korean Authorities , Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group Anti-Transnational Crime Unit ng pinag samang operasyon laban sa puganteng si Son.
Si Son ay dati nang nahaharap sa warrant of deportation na inisyu noong 2017 matapos ma tag ng Immigration bilang undesirable at undocumented alien.
Kinansela na rin ng Korean Government ang pasaporte nito at inisyuhan siya ng warrant of arrest dahil sa kasong may kinalaman sa Fraud na isang seryosong paglabag sa Criminal Act ng Republika ng Korea .
Siya umano ay miyembro ng isang telecom fraud syndicate na nag ooperate bilang nagpapanggap na bank employee.
Ang siste, mag ooffer ito ng mas mababang halaga ng loan interest sa kanilang mga target na biktima gamit ang telephone o text messages.
Tinatayang aabot sa KRW 188,000,000 o katumabas ng halos P8M pesos ang kanilang nakulimbat na halaga mula sa kanilang mga biktima.
Mananatili naman si Son sa Criminal Investigation and Detection Group Anti-Transnational Crime Unit habang hinihintay ang kanyang deportasyon.