-- Advertisements --

Pinagbawalang makabiyahe sa ibang bansa si South Korean President Yoon Suk Yeol.

Kasunod ito sa plano ng prosecutor na masampahan ng kasong insurrection dahil sa pagpapatupad nito ng martial law noong nakaraang linggo.

Bagamat nakaligtas si Yoon sa impeachment vote sa parliamento na pinamumunuan ng mga oposisyon ay hindi pa rin tiyak ang kaniyang posisyon.

Hihilingin ng mga kaalyado nito ang kaniyang pagbibitiw sa puwesto at suspendihin sa kaniyang panunungkulan para maprotektahan umano ang kanilang bansa mula sa matinding panganib.

Magugunitang nagdulot ng matinding galit mula sa mga mamamayan ng South Korea ang ginawang pagdeklara ni Yoon ng Martial Law kung saan nagsagawa ng paboto ang mga members of parliament sa National Assembly building para ipasawalang bisa ang nasabing deklarasyon.

Matapos ang mahigit na anim na oras ay binawi ni Yoon ang nasabing deklarasyon at ito ay tuluyang humingi ng paumanhin sa kaniyang mga mamamayan.