Matagumpay ng naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration sa Mindanao ang isang South Korean national na pinaghahanap ng mga awtoridad sa Seoul dahil sa panloloko umano nito sa isa nitong kababayan sa pamamagitan ng isang fraudulent sales na transaksyon.
Kinilala itong si Park Sang Hyun, 63 at isang alien fugitive na nagtatago dito sa bansa.
Naaresto ang naturang suspect sa Cagayan de Oro City ng mga operatiba ng BI’s Fugitive Search Unit o FSU.
Ayon kay Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco, armado ng warrant of deportation ang mga arresting agent na inilabas ng opisyal alinsunod na rin deportation order na inilabas ng BI Board of Commissioners laban sa koreano noong nakaraang taon.
Dagdag pa ni Tansingco, ipapadeport kaagad si Hyun sa sandaling makumpleto ng Bureau of Immigration ang kinakailangang clearance para sa pag-alis nito.
Ipinagbabawal na rin na muling makapasok ng bansa si Hyun dahil black listed na ito sa immigration.
Si Park Sang Yun ay kinasuhan noong 2019 sa kanilang bansa dahil sa umano’y panloloko sa isang kapwa koreano noong taong 2017.
Umabot sa $61,000 o mahigit P3M pesos ang nakulimbat ni Hyun sa kanyang biktima.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad ng South Korea, hindi umano ideneliver ni Hyun sa kanyang biktima ang napagkasunduang segunda manong damit.
Pansamantala namang nakakulong si Hyun sa BI’s Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang kanyang deportation sa South Korea.