-- Advertisements --

Muling maghaharap ang Team USA at Team South Sudan bukas (Aug1) sa ilalim ng preliminary elimination sa Paris Olympics 2024.

Maalalang nagkaharap ang dalawa sa exhibition games bago ang opisyal na pagsisimula ng Olympics kung saan naging pahirapan para sa US na ipanalo ang laban dahil na rin sa magandang depensa at opensa ng mga South Sudanese. Ang naturang laban ay natapos sa 101 – 100 score pabor sa US, gamit ang isang comeback layup ni NBA superstar Lebron James.

Sa magiging laban ng dalawa bukas, muling masusubukan ng US ang tibay ng South Sudan basketball na unang pagkakataong sasabay sa Olympics.

Sa kasalukuyan ay hawak ng dalawang bansa ang malinis na isang panalo.

Nakuha ng US ang naturang panalo laban sa Serbia na pinamumunuan ni Nikola Jokic habang ibinulsa naman ng mga Sudanese ang panalo laban sa mga Puerto Ricans.

Dahil sa kapwa malinis na record, ang mananalo sa labang ito ay agad aabanse bilang top team sa Group C.

Sa kasalukuyan, nananatiling ‘healthy’ ang lahat ng mga player ng dalawang team sa kabila ng naunang mga laban.

Gaganapin ang laban ng dalawa alas-3 ng madaling araw, oras sa Pilipinas.