VIGAN CITY – Halos magkaubusan na umano ng stocks ng basketball jersey at cap sa Vancouver, Canada dahil sa epekto pa rin ng NBA Finals.
Sa report ni Bombo international correspondent Jojit Soberano na tubong-Ilocos Sur ngunit naninirahan at nagtatrabaho na ngayon sa Vancouver, sinabi nito na halos lahat ng mga nakikita at nakakasalubong nito ay naka-jersey at naka-cap ng Toronto Raptors.
Ito umano ay bilang pagsuporta pa rin sa pagkakapasok ng Raptors sa NBA Finals laban sa NBA defending champion na Golden State Warriors.
Aniya, dati umano ay hindi pinapansin ng mga Canadians ang mga basketball jersey at cap dahil mas sikat noon ang hockey ngunit simula nang makapasok sa NBA Finals ang Raptors, nagsimula na rin umanong bumili ang mga tao ng NBA memorabilia kagaya ng mga ito.
Sinabi pa nito na tuwing may laro ang Raptors ay ito na rin ang nagsisilbing reunion nilang magkakaibigan doon sa Vancouver at sabay-sabay silang manonood.