Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na patuloy na igigiit ng Pilipinas ang sovereign rights nito sa West Philippine Sea (WPS).
Ginawa ni Speaker Romualdez ang pagtitiyak sa isinagawang ribbon-cutting rites para sa “War of Our Fathers-A Brotherhood of Heroes,” isang exhibit ng Philippine Veterans Bank na inialay sa mga beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong Linggo na may kaugnayan sa pagdiriwang ng ika-80 anibersaryo ng Leyte Landings na ginanap sa sa Leyte Convention Complex sa Palo, Leyte.
Ayon sa lider ng Kamara ang giyera na nilabanan ng mga Pilipino may 80 taon na ang nakakaraan ay iba sa laban na kinakaharap ng mga Pilipino ngayon.
Ayon kay Speaker Romualdez ipinagmamalaki nito na manindigan kasama ng gobyerno sa pagtaguyod ng rules-based international order partikular sa maritime domain ng bansa.
Iginiit ng lider ng Kamara na ang pagdepensa ng karapatang soberanya at integridad ng teritoryo ng bansa ay isang paglaban sa kinabukasan ng mga Pilipino.
Nanawagan si Speaker Romualdez sa mga Pilipino na humugot ng tapang sa mga Pilipino na nakipaglaban noong digmaan.
Sa pagdiriwang ng ika-80 anibersaryo ng Leyte Landing, sinabi ni Speaker Romualdez na ang okasyon ay hindi lamang isang paggunita sa kasaysayan kundi isang panindigan sa prinsipyo ng kapayapaan, kalayaan, at soberanya.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang Leyte Landings ay isang paggunita sa yugto na nagpabago sa kasaysayan ng bansa patungo sa pagkakaroon nito ng kalayaan.Nagpasalamat ang lider ng Kamara sa mga beteranong Pilipino at mga opisyal ng Philippine Veterans Bank sa pag-organisa ng selebrasyon.