-- Advertisements --

Walang nakikitang dahilan ang liderato ng senado para disiplinahin ang dalawa nilang mga senador na nagka initan sa plenary session at nagpalitan ng maaanghang na salita.

Ayon kay Senate President Francis Chiz Escudero na tao lang din naman sila na may kani-kaniyang emosyon. 

Aniya, natural lamang na minsan ay magkapalitan ng opinyon at nauuwi kung minsan sa mataas na emosyon kaya nagkakaroon ng mga insidenteng katulad ng nangyari kagabi  sa pagitan kina Senador Allan Peter Cayetano at Senador Juan Miguel Zubiri.

Nilinaw naman ni Escudero na hindi naman aniya ito makaapekto sa paghahabol nila sa  maraming trabaho sa  senado dahil ilang minuto lamang ng insidente at nagkabati rin ang dalawa.

Aminado si Escudero na nakisawsaw na rin aniya siya sa eksena at humingi ng paumanhin dahil ginabi na sila at kadalasan nangyayari ang ganitong mga insidente kapag pare parehong pagod na.

Bandang alas-9:00 na ng gabi sila natapos kagabi ang sesyon at bawat isa ay gusto na ring magpahinga.

Siniguro ni Escudero na sa ngayon maayos na at payapa sila sa senado.