Siniguro ng bagong halal na lider ng Senado na si Senador Francis Escudero na paiiralin nila ang “conscience vote” sa panukalang diborsyo sa bansa.
Ang reaksyon ni Escudero ay kasunod ng pagkakaapruba ng divorce bill sa Kamara na noong una ay 126 ang pabor, 109 ang tutol at 20 ang abstain pero kalaunan ay itinama ang bilang sa 131 ang pabor at pareho pa rin ang numero ng tutol at abstain.
Ayon sa liderato ng Senado, ang magiging posisyon ng mga senador sa divorce bill ay conscience at personal vote at ibabatay sa kung ano ang kanya-kanyang paniniwala at relihiyon ng bawat kasamahan niya sa Senado.
Wala aniya siyang balak na diktahan ang mga senador upang paburan o tutulan ang panukala.
Pero kung si Escudero ang tatanungin, hindi diborsyo kundi mas gusto niyang palawakin at gawing abot-kaya at accessible ang annulment sa ilalim ng family code.