-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Pinaboran ng mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod ng Kidapawan City ang hiling ni Mayor Joseph Evangelista hinggil sa Supplemental Budget na mahigit sa 8 milyong piso bilang panlaban sa posible pang pananalasa ng Covid19 pandemic sa lungsod.

Layun ng Supplemental Budget Number 5 na mapondohan ang mga programa ng City Government para mapigilan ang pagdami ng posibleng magkakasakit ng Covid19 at ibayong suporta na rin na maibsan ang sakripisyo ng mga frontliners na siyang direktang nagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine protocols mula pa Marso 18, 2020 hanggang sa kasalukuyan.

Kukunin ang pondo mula sa reversion ng Current Appropriation sa ilalim ng General Fund na nagkakahalaga ng Php 11,891,088.85 at ang Bayanihan Grant to Cities and Municipalities mula sa National Government na nagkakahalaga ng Php 70,921,677.00 para sa kabuo-ang halaga na Php 82,812,765.85.

Gagamitin ang pondo para sa pangangailangan ng mga frontliners kagaya ng Personal Protective Equipment, mga Medical supplies and equipment na gagamitin kontra Covid19 at iba pa.

Naniniwala at nagpapasalamat ang alkalde sa mabilis na pag-aapruba ng Supplemental Budget number 5 sa espesyal na sesyon ng SP lalo pa at batid ng mga miyembro ng konseho na nakasalalay dito ang kaligtasan ng lahat gayung hindi pa rin humuhupa ang peligrong dala ng Covid19 pandemic hanggang ngayon.

Sa pamamagitan ng Supplemental Budget Number 5 ay maiiwasan na madagdagan pa ang naunang dalawang kasong nagpositibo sa Covid19 sa lungsod.