-- Advertisements --

Nag-alok ang Spain na maging host ng United Nations COP25 climate change summit, kasunod ng pag-atras ng Chile dahil sa nangyayaring kaguluhan sa kanilang bansa.

Sa pahayag ng Spanish government, handa umano si Prime Minister Pedro Sanchez na gawin ang mga kinakailangan para maging host ng nasabing conference.

Pag-aaralan din anila ng UN ang naturang alternatibo sa isang pulong sa Bonn, Germany sa susunod na linggo.

Nakatakdang magtipon-tipon sa climate change summit ang mga delegado mula sa 190 mga bansa para talakayin ang isyu sa kung papaano pabababain ang global emissions sang-ayon sa Paris climate agreement.

Sinabi rin ni Chilean President Sebastian Pinera na nag-alok daw si Sanchez na i-host ang summit sa Spain sa dati nang nakatakdang petsa, mula Disyembre 2 hanggang Disyembre 13.

“I hope that this generous offer from the president of Spain… represents a solution,” wika ni Pinera. “We have shared this information with the leading authorities at the United Nations.”

Sa ngayon, wala pang tugon ang UN hinggil sa alok ng Spain. (Reuters)