Nakuha ng Spain ang kampeonato sa FIBA basketball World Cup matapos tambakan ang Argentina, 95-75.
Nanguna ang Phoenix Suns player na si Ricky Rubio na nakapagtala ng 20 points habang mayroong 15 points si Sergio Llull at 14 points kay Marc Gasol ng NBA champion Raptors para makuha ng Spain ang pangalawang kampeonato sa FIBA.
Ang Spain ay siya ring pang-siyam na koponan na nakakuha ng World Cup Championship ng walang katalo-talo na may walong diretsong panalo.
Mula pa sa unang quarter ay hawak na ng Spain ang kalamangan kung saan nasayang ang nagawang 24 points ni Gabriel Deck habang ang beteranong player ng Argentina at dati ring NBA player na si Luis Scola ay nakapagtala naman ng eight points.
Labis naman ang kasiyahan ni Gasol dahil dalawang beses itong nakatikim ng kampeonato ngayong taon na noong una ay sa buwan ng Hunyo nang makuha ng Toronto Raptors ang NBA championship.
Siya na rin ang pangalawang NBA player na nakasungkit ng dalawang kampeonato sa isang taon.
Una rito ay si Lamar Odom nang magwagi ang Los Angeles Lakers at USA Basketball noong 2010.
Unang nakuha ng Spain ang kampeonato noong 2006 kung saan ang nakakatandang kapatid ni Marc na si Pau ang bumida.
Dinaluhan naman ang FIBA finals sa Beijing ng ilang malalaking pangalan sa basketball ang finals gaya nina Chinese basketball legend Yao Ming, NBA Commissioner Adam Silver, Deputy Commissioner Mark Tatum, International Olympic Committee President Thomas Bach, FIBA Ambassador at five time NBA champion Kobe Briant, Tony Parker at Manu Ginobili.