-- Advertisements --
team spain
Spain basketball team

Nangailangan pa ng dalawang overtime ang Spain para makapasok sa finals ng FIBA Basketball World Cup na ginaganap sa China ng talunin nila ang Australia, 95-88.

Nagsama ang dalawang NBA stars na sina Marc Gasol at Ricky Rubio upang dalhin ang team sa championship round.

Mayroon kasing 33 points, anim na rebounds at apat na assists si Gasol ng NBA champ na Raptors, habang kumamada naman ng 19 points, 12 assists at pitong rebounds si Rubio at nagdagdag ng siyam na puntos si Victor Claver.

Umabot pa sa 11 points ang kalamangan ng Australia hanggang sa humabol ang Spain at nakalamang na sila sa fourth quarter, 71-72.

May tsansa pa sana na maipanalo ng Australia ang laro na may natitirang 4.8 seconds subalit hindi naipasok ni Patty Mills ang ikalawang free throw na nagdala sa 71-71 sa unang overtime.

Nagpalitan ng matitinding depensa at opensa sa unang overtime ang magkaribal na teams hanggang sa nagtapos sa 80-80 ang score kaya pumasok sila sa ikalawang overtime.

Nasayang naman ang nagawang 32 points ni Mills para sa Australia, na naglalaro sa Spurs bilang point guard.

Samantala haharapin ng Spain ang Argentina matapos talunin ang France, 80-66.