Nanindigan si International Criminal Court (ICC) spokesperson Fadi El Abdallah na hindi maaapektuhan ang paggulong ng kaso ni dating Pang. Rodrigo Duterte sa kabila ng aniya’y dumaraming spamming at trolling activities online.
Ayon kay Dr. Abdallah, nananatiling panatag ang ICC at hindi apektado kahit pa marami sa mga spamming at trolling activities ay ipinupukol mismo sa mga judge nito.
Mananatili rin aniya ang pokus ng ICC at ito ay ang makapaghatid ng hustisya para sa mga biktima ng drug war ng nakalipas na administrasyon.
Maninindigan aniya ang ICC sa kabila ng tuloy-tuloy na trolling activities mula sa mga supporter ng naka-deteneng presidente, at hindi matitinag sa mga supporter ni Duterte.
Una nang kinumpirma ng ICC na maging ang mga social media at LinkedIn profile ni ICC Pre-Trial Chamber I Presiding Judge Iulia Motoc ay inulan din ng mga spam messages na hinihinalang galing sa mga supporter ng dating presidente.
Kahapon, Marso 26 ay tuluyan nang isinumite ni ICC Prosecutor Karim Khan ang unang batch ng mga ebidensiya laban sa dating pangulo.
Sa Setyembre-23, 2025 ay nakatakda ang confirmation hearing sa kasong crimes against humanity ng dating pangulo.