Wala ng namomonitor sa ngayon ang Philippine National Police (PNP) na presensiya ng mga Sparrow units ng New Peoples Army (NPA) na aktibo pang gumagala sa bansa ngayon.
Ayon kay PNP chief PDGen. Oscar Albayalde, huling nakapagtala sila ng insidente na kinasasangkutan ng sparrow units ng NPA ay nuong nakalipas na tatlong taon kung saan nasa 136 na mga sundalo, pulis at sibilyan ang pinatay ng nasabing grupo.
Dinepensa naman ni Albayalde ang naging pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na may na neutralize na suspected members ng sparrow ng NPA.
Sinabi ni Albayalde na ang Pangulo ay may mayroong pinanggagalingan na impormasyon at ang mga insidente ng pananambang sa pwersa ng gobyerno at ang pagsakalay ng NPA sa Lapinig police station na posibleng kagagawan ng sparrow units ng komunistang rebelde.
“Sa ngayon po wala na po tayong namomonitor although meron pong mga incidents for the past 3 years kung hindi ako magkamali ay may mga killings na naitala, about 136 accordingly pero monitored po yan ay matagal nang wala yung SPARU units,” pahayag ni Albayalde.
Sa ngayon wala pang direktiba sa PNP kaugnay sa pagbuo ng Sparu units ng gobyerno na pantapat sa Sparrow units ng NPA.
Inihayag ni Albayalde na may ginagawa ng pag-uusap ang PNP at AFP ukol sa nasabing plano.
Dapat din mabigyan ng linaw kung ang bubuuing Sparu unit ng gobyerno ay pangungunahan ng PNP o AFP.
” Una wala pa po tayong nakuhang direktiba dyan at nag usap na po
kami ng AFP na kung talagang matutuloy po yan ay kailangan muna namin pag-usapan kung papaano po ang pagbuo nung tinatawag na grupo na ganyan. Kung yan ba ay mga sundalo or PNP dahil kung sundalo yan ay magiging under the direct supervision po ng AFP yan,” dagdag pa ni Albayalde.