Nagpaabot ng taos pusong pakikiramay si House Speaker Martin Romualdez sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas at sa naiwang kaanak ng dalawang piloto ng Philippine Air Force matapos bumagsak ang isang FA-50 fighter jet sa Bukidnon.
Sa isang pahayag, kinalala ni Romualdez ang sakripisyong kanilang inialay para gampanan ang kanilang misyon.
“Sila ay hindi lamang mga sundalo; sila ay mga anak, kapatid, at ama na iniwan ang kanilang mga mahal sa buhay upang gampanan ang isang dakilang misyon. Sa kanilang huling paglipad, dala nila ang pangarap ng bawat Pilipino para sa isang ligtas, payapa, at maunlad na bansa,” sabi ni Speaker Romualdez.
Kaugnay niyan ay sinisiguro ng liderato ng Kamara na palalakasin ang Armed Forces of the Philippines sa pamamamagitan ng patuloy na pagbibigay ng suporta sa ating mga sundalo.
Nabatid na napaulat na nawala ang F-A 50 Fighter Jet ng Philippine Air Force noong Martes.
Kahapon naman kinumpirma ng AFP Eastern Mindanao na wala nang buhay nang matagpuan ng mga rescuer ang dalawang piloto.
“Sinisiguro namin sa Kongreso na hindi masasayang ang kanilang dugo at pawis. Patuloy nating palalakasin ang ating Sandatahang Lakas, titiyakin ang sapat na suporta para sa ating mga sundalo, at ipaglalaban ang isang bansa kung saan ang kapayapaan ang mananaig,” sabi ni Speaker Romualdez.