Pinatutugis ni House Speaker Martin Romualdez ang mga taong sangkot sa pananambang kay Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Jr. nitong Biyernes.
Ayon kay Romualdez, mariin niyang kinokondena ang ambush sa opisyal kung saan apat sa security details nito ang nasawi.
Dagdag pa nito, wala aniyang lugar ang karahasan sa ating sibilisadong lipunan.
Nais din ng Lakas–Christian Muslim Democrats president na tukuyin ang mastermind sa planong ambush, ipakulong at litisin sa korte sa lalong madaling panahon.
Ipinaabot naman ni Romualdez ang pakikiramay sa nasawing security detail ni Gov. Adiong at nangakong aabutan sila ng tulong ng kanilang partido.
Si Adiong ay kasama ni Romualdez sa Lakas–Christian Muslim Democrats at nagsisilbi bilang Lakas–Christian Muslim Democrats Vice President for Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.