Pinangalanan ni Vice President Sara Duterte ang aniya’y dalawang tao na nasa likod ng manipulasyon ng budget sa buong bansa.
Ito umano ay sina Speaker Martin Romualdez at House Committee on Appropriations Chairman, Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co.
Ayon sa pangalawang pangulo, nagulat siya nang lumapit sa kanya ang ilang mambabatas para manghingi ng parte, matapos mailaan ang pondo ng DepEd, kung saan dati siyang kalihim.
Nakalaan umano ang P5 billion para sa classroom construction ngunit gusto itong i-control ng mga opisyal ng Kongreso.
Giit ng pangalawang pangulo, hindi siya sanay sa ganung mga transaksyon.
Ang paniniwala raw kasi niya, kapag nai-allocate ang budget, dapat itong mapunta sa proyekto at hindi sa sinumang nasa gobyerno.
Hindi raw kasi mapupunan ang kinakailangang mga silid aralan kung pakiki-alam pa iyon ng mga nasa Kongreso.
Kahit nga raw pinigilan niya na maalis ang P5 billion para sa proyekto, ginawa naman itong P10 billion sa final version, kung saan sa dagdag na pondo ay walang control ang DepEd.