Nag-adjourn na ang sesyon ng Kamara, para bigyang-daan ang 2025 midterm elections.
Bago mag-alas-syete y medya ng gabi nang mag-adjourn.
Sa closing speech sinabi ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na isinulong ng Kamara ang interes ng sambayanan, at lumaban sa aniya’y “pwersa ng kadiliman at hindi umatras sa kampon ng kasamaan.”
Iniulat din ng Lider ng Kamara na nitong 19th ay inaprubahan nila ang mga importanteng panukalang batas, at nagsagawa ng serye ng mga imbestigasyon.
Kabilang dito ang umano’y maling paggamit ng confidential at intelligence funds ni Vice Pres. Sara Duterte; ilegal na operasyon ng mga POGO; ilegal na droga; at extrajudicial killings.
Pati ang isyu ng mataas na presyo ng bigas at iba pang bilihin, mataas na singil ng kuryente, at marami pang iba pa.
Binanggit pa ng Speaker ang makasaysayang pag-apruba ng Kamara sa P200.00 daily wage hike bill para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.
Babala naman ng House Speaker sa mga magsasamantala sa posisyon para sa personal na pakinabang — “kasaysayan ang huhusga. At ang kasaysayan ay walang puwang sa mga duwag.”
Magbabalik sesyon ang Kongreso sa June 2, 2025.