-- Advertisements --

Inako ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang responsibilidad na pangalagaan ang interes ng ikatlong distrito ng Negros Oriental matapos na masuspendi si Rep. Arnolfo Teves na siyang kinatawan nito sa House of Representatives.

Ito ay batay sa Memorandum Order No. 19-017 na inilabas ng Kamara na may petsang March 23,2023.

Si Speaker Romualdez ay magiging caretaker ng distrito ni Teves hanggang sa May 22,2023, matapos ang 60 days suspension na ipinataw sa mambabatas.

Si Teves ay sinuspendi ng Kamara matapos na mabigong umuwi sa bansa kahit na expired na ang travel authority nito.

Iniuugnay din ang mambabatas sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Umalis si Teves ng bansa noong Pebrero para sa isang medical treatment sa Amerika.

Batay sa report, umalis na rin ito ng Amerika subalit hindi umuwi sa Pilipinas.

Ang dahilan ng mambabatas kung bakit ayaw niyang umuwi ng bansa ay dahil natatakot ito sa kanyang buhay maging ng kaniyang pamilya.

Ito’y sa kabila ng pagtitiyak nina Speaker Romualdez at Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bibigyan ng proteksyunan si Teves.

Ang paglalagay ng caretaker sa isang distrito ay dati ng ginagawa ng Kamara kapag nawala ang isang miyembro nito sa iba’t ibang rason gaya ng pagkakatalaga sa Gabinete, suspensyon, o pagkasibak.

Ang Kongreso ay kasalukuyang naka-Lenten break hanggang sa Mayo 7.