Dismayado si House Speaker Martin Romualdez sa kawalan ng aksyon ng Department of Agriculture at Department of Trade and Industry hinggil sa ginagawang pananamantala ng mga abusadong trader at middleman na nagresulta sa labis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado.
Ayon kay Romualdez na siya ay nalulungkot na walang ginawa ang mga opisyal ng dalawang ahensya upang agad na matugunan ang suliranin sa pagsipa ng presyo ng basic commodities.
Bukod sa hiling na karagdagang pondo upang mapunuan ang buffer stock na masyado pang matagal ang resulta, ang hinahanap aniya nilang sagot ay gawing pababain ang trend ng presyo ng mga produkto at pigilan ang kasakiman ng traders at middlemen.
Giit ni Romualdez, hindi sapat ang long-term solution upang solusyunan ang malayong agwat ng presyo ng farmgate at retail dahil lubhang nasasaktan na ang consumers pati na ang mga magsasaka at mangingisda.
Makikipag-ugnayan naman ang Speaker sa mga kalihim ng DA at DTI upang mahigpit na ipatupad ang mga polisiya pati na ang itinatakda ng batas gaya ng Price Act upang hindi na makapambiktima ang mga grupong sangkot sa profiteering.
Samantala, ayon naman kay Committee on Trade and Industry Chairman Ferjenel Biron na inutil ang mga opisyal ng DA at DTI dahil sa kabila ng kanilang prosecution at adjudication powers ay hindi nila napanagot ang mga umabusong middleman at trader.
Nabatid sa pagdinig ng House Committee on Trade and Industry na nagkaroon ng 200 percent na mark-up sa retail mula sa farmgate price habang ang gross margin para sa mga supermarket ay 8 percent lang.