Nagpahayag ng pagka-dismaya si House Speaker Martin Romualdez matapos isa na namang government official ang walang habas na pinaslang at nandamay pa ng mga inosenteng sibilyan.
Ang latest na biktima ay si Negros Oriental Gov. Roel Degamo na pinagbabaril sa loob mismo ng kaniyang compound sa bayan ng Pamplona.
Sa isang pahayag sinabi ni Romualdez na ang karahasan na ito ay isang kapintasan at malaking hamon sa mga otoridad.
Una ng tiniyak ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin na gagawin nila ang lahat para hindi na maulit ang mga ganitong karahasan na kinasasangkutan ng ilang mga opisyal ng pamahalaan.
Dahil sa nasabing pahayag at pangako ni Azurin, naniwala si Romualdez na gagawin ng PNP ang mga dapat gawin upang matigil na ang mga nangyayaring patayan sa bansa.
Ipinunto ni Speaker na ayaw niya humantong na pati siya ay mawalan na rin ng tiwala sa pulisya tulad ng publiko.
Umaasa si Romualdez na tutuparin ng pambansang pulisya ang pangako nito na matigil na ang serye ng pamamaslang lalo na sa mga pulitiko.
Mariing kinondena ni Romualdez ang pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo na pinagbabaril habang dumadalo sa 4Ps program sa bayan ng Pamplona.
Pinasisiguro ni Speaker na agad mareresolba ng PNP ang insidente, mahuli at managot ang mga may sala.