-- Advertisements --

Muling binigyang-diin ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na ang West Philippine Sea ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas at ang pagtatanggol dito ay mahalaga para sa pambansang kaligtasan.

Pahayag ito ni Speaker kasabay ng kanyang promosyon bilang Auxiliary Vice Admiral ng Philippine Coast Guard (PCG).

Dinaluhan ang seremonya ng mga opisyal ng Coast Guard na pinangunahan nina Admiral Ronnie Gavan at Vice Admiral Edgar Ybañez.

Sinabi ni Sepaker na hindi tayo papayag na maging dehado ang Pilipinas sa sarili nating dagat kaya hindi tayo magpapatalo sa sariling teritoryo.

Binigyang-diin niya na ang Coast Guard ang unang depensa ng bansa laban sa agresyon, pananakot, at iligal na pagpasok ng mga dayuhang sasakyang pandagat.

Bilang Speaker ng Kamara, sinabi niyang patuloy niyang isusulong ang pambansang soberanya at integridad ng teritoryo.

Nagpahayag ng pasasalamat si Speaker Romualdez sa Philippine Coast Guard sa pagkakaloob sa kanya ng promosyon sa Auxiliary branch nito.

Buong pagmamalaking sinabi ni Speaker Romualdez na dala niya ang bagong ranggo hindi bilang palamuti, kundi bilang isang panata ng kanyang dedikasyon sa pagtatanggol sa bansa.

Lubos din ang pagpasalamat ni Speaker Romualdez kay Admiral Gavan sa ibinigay na tiwala.