-- Advertisements --

Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Bureau of Customs (BOC) sa pinaigting nitong kampanya laban sa smuggling na nagresulta sa pagkakasamsam ng ₱85.1 bilyong halaga ng kontrabando at ang matagumpay na pagsasagawa ng mahigit 2,100 anti-smuggling operations noong 2024.

Habang kinikilala ang mga mahahalagang tagumpay ng BOC, muling iginiit ni Speaker Romualdez ang agarang pangangailangan na palakasin pa ang pagpapatupad ng batas laban sa agricultural smuggling, na patuloy na banta sa mga lokal na magsasaka at sa seguridad sa pagkain.

Ayon kay Speaker maganda ang ginagawa ng Customs sa paglaban sa smuggling subalit hindi dapat huminto at kailangang paigtingin pa ang kampayan laban sa agricultural smuggling na sumisira sa kabuhayan ng ating mga magsasaka at nagpapahirap sa taumbayan.

Ipinunto rin ng Speaker ang nakakabahalang mga ulat tungkol sa malalaking bulto ng bigas na naiwan sa mga pantalan at ang pagtatambak ng mga imported na frozen chicken, na nagpapalakas ng hinala na may nagaganap na manipulasyon sa suplay.

Binigyang-diin niya na ang ganitong imoral at iligal na gawain ay nagpapahirap sa mga magsasaka at mamimili, nilalabag ang patas na presyo, at inilalagay sa panganib ang seguridad sa pagkain ng bansa.

Nanawagan si Romualdez ng mas mahigpit na kontrol sa mga hangganan, mas matibay na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, at mas mabilis na pagsasampa ng kaso laban sa mga smuggler upang mabuwag ang kanilang mga operasyon.

Binanggit niya na ang smuggling ay hindi lamang isang problemang pang-ekonomiya kundi isang direktang pag-atake sa mga magsasaka, mamimili, at sa katatagan ng bansa.

Hinimok din ni Romualdez ang mga awtoridad na tugunan ang mga sistematikong kahinaan na nagpapahintulot sa pagpasok ng mga puslit na produkto sa bansa.

Kabilang sa kanyang mungkahi ang paggamit ng advanced monitoring technology, mas mahigpit na pagsubaybay sa mga agricultural import, at agarang aksyon laban sa mga nagpapadali ng smuggling, maging sa pribado o pampublikong sektor.

Binigyang-diin ni Romualdez ang pangangailangan ng mga pananggalang ng gobyerno laban sa manipulasyon ng presyo upang matiyak ang patas na kalagayan ng pamilihan para sa mga magsasaka at mamimili.

Muling pinagtibay ni Speaker ang pangako ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pagsuporta sa mga panukalang batas na magpapalakas sa kakayahan ng Customs sa pagpapatupad ng batas at magpapatatag sa presyo ng pagkain.

Ipinahayag ni Speaker Romualdez ang kanyang kumpiyansa na sa pamamagitan ng patuloy na pagbabantay at matapang na aksyon, mapipigilan ang agricultural smuggling, mapapabuti ang kalagayan ng mga magsasakang Pilipino, at mapoprotektahan ang mga mamimili laban sa hindi patas na kalakalan.