Tahasang hinamon ni House Speaker Martin Romualdez si Vice President Sara Duterte na ipaliwanag ang umano’y maling paggamit ng 612.5 million pesos na confidentialfunds ng OVP at Department of Education.
Sa kanyang mensahe sa plenaryo ngayong araw, binuweltahan ni Romualdez si Duterte kasunod ng banta ng pangalawang pangulo na kumausap na umano siya ng papatay sa kanya at kina Pangulong Bongbong Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos.
Ayon kay Speaker Nakakaalarma aniya ang pahayag ni VP Sara at mapanganib lalo’t hindi na ito normal na pananalita kundi direktang banta sa demokrasya, sa pamahalaan at sa seguridad ng bansa.
Ipinagtanggol din ni Romualdez ang Kamara laban sa mga pag-atake at breach of protocols na ginawa ng bise-presidente at nanawagan sa mga kapwa mambabatas na protektahan ang integridad ng institusyon.
Wala umanong basehan ang mga alegasyon na pinababagsak o sinisiraan niya si Duterte dahil sa ambisyon sa pulitika sa taong 2028 at maituturing na desperadong hakbang upang ilihis ang tunay na isyu.
Kumbinsido naman ang Speaker na ang nasa likod ng mga walang basehang akusasyon ni Duterte ay ang tangkang pagtakpan ang lumalakas na ebidensya ng maling paggamit ng pondo sa ilalim ng kanyang liderato.
Pagbibigay diin ni Speaker hindi optional ang pananagutan at hindi negotiable ang transparency kaya ang sinumang pinagkatiwalaan sa pondo ng bayan ay dapat handang magpaliwanag kung saan at paano ito ginastos.