-- Advertisements --

Hinimok ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang Department of Agriculture o DA at iba pang kaukukang ahensya na bilisan ang pagbuo ng Implementing Rules and Regulations o IRR para sa bagong batas na Rice Stabilization Law.

Ayon kay Romualdez “non-negotiable” at importante na maipatupad kaagad ang batas, upang mapatatag ang presyo ng bigas, malabanan ang hoarding, mas masuportahan ang mga magsasaka, at para mapakinabangan na ng mga Pilipino lalo na ang hirap na makabili ng murang bigas.

Sabi ni Speaker kung may IRR makakakilos na ang DA tulad sa regulasyon ng mga bodega, at matitiyak na ang National Food Authority o NFA ay may sapat na buffer stocks mula sa mga lokal na magsasaka.

Giit niya, kapag wala pang IRR, made-delay ang mga target ng batas.

Dagdag niya, gagarantiyahan ng IRR ang implementasyon ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), na pinalawig hanggang 2031.

Magagamit na kasi ang pondo para sa makinarya, binhi, at iba pang suporta na magpapalakas sa ani ng mga magsasaka.

Umaasa naman ang House Speaker na magkakaroon ng transparency at accountability sa pagbuo at pagpapatupad ng IRR.

Mahigpit aniyang babantayan ng Kamara ang usad ng IRR, para masigurong maayos na maipatutupad ang batas at mapipigilan ang anumang pag-abuso.