-- Advertisements --

Hinihikayat ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at iba pang mga bansa na suportahan ang posisyon ng Pilipinas sa mga isyu ng pinag-aagawang West Philippine Sea (WPS).

Ginawa ng lider ng Kamara ang apela noong Biyernes sa Trilateral Commission, isang non-government organization na nagtitipon ng mga pinuno mula sa rehiyon at sa buong mundo upang talakayin ang mga mahahalagang usapin.

Tinutukoy niya ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration na kinikilala ang 200-milyang exclusive economic zone ng bansa alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea, at binalewala ang pag-aangkin ng China sa South China Sea, kabilang na ang mga lugar sa loob ng West Philippine Sea.

Ipinahayag ng lider ng Kamara na may malaking papel ang ASEAN sa pagpapalaganap ng kooperasyon at rules-based order sa rehiyon.

“It is our hope that the Indo-Pacific becomes a region where cooperation prevails over confrontation, where nations build not barriers but bridges, and where peace is the shared inheritance of all,” saad nito.

Binigyang-diin ni Speaker na bagamat mahalaga ang seguridad, ito ay dapat na kaalinsabay ng pag-unlad ng ekonomiya.

Ipinunto niya na ang layunin ng Pilipinas ay makamit ang pag-unlad ng ekonomiya na “equitable and inclusive, na mag-aangat hindi lamang ng iilan kundi pati na ang bawat pamilyang Pilipino.

Dagdag pa ng lider ng Kamara na ang ganitong tungkulin ay isang hamon na kinakaharap ng bansa sa pagtamo ng pag-unlad, dahil sa hindi pagkakapantay-pantay, inflation, at pagkakaantala ng paghahatid ng mga kalakal.

“We seek to strengthen our economies through partnerships, investments in infrastructure, and a commitment to digital transformation. Together, with the support of allies and friends, we are committed to building a resilient ASEAN that stands as a model for sustainable growth and shared prosperity. Let this vision be our compass, guiding us through this era of global recovery and beyond,” saad pa nito.

Inilahad ni Speaker Romualdez ang mga hamon na dulot ng pagbabago ng klima at teknolohiya sa mga bansa, partikular na sa Pilipinas.

Binigyan-diin niya na ang aksyon laban sa pagbabago ng klima ay hindi dapat ipagpaliban o gawing politikal, at ito ay kailangang isagawa “ng may buong sikap ng mga taong nauunawaan na ang kanilang kaligtasan ay nakataya rito.”

Sa usapin ng teknolohiya, it “is a force that holds the potential to uplift humanity, but only if guided by a moral compass that places people, not profit, at its heart,” giit pa ng pinuo ng Kamara.

Ipinahayag niya na may “tungkulin ang mga lider sa buong mundo na pag-ugnayin ang agwat, upang matiyak na ang bawat bata, anuman ang kanilang kalagayan, ay magkakaroon ng access sa mga kasangkapan para sa hinaharap.

Paalala din ni Speaker Romualdez na hindi dapat ipagwalang-bahala ang ethical dimensions ng digital revolution.

Tinukoy din niya ang mga suliraning dulot ng paglaganap ng misinformation, populism at authoritarianism sa mga demokratikong lipunan at sa pamamahala ng batas.

Siniguro din ni Speaker na ang Pilipinas “ay nakatuon sa pangangalaga ng demokrasya, hindi lamang bilang isang pamana mula sa ating mga ninuno kundi bilang isang pangako para sa mga susunod na henerasyon.

Hinimok ng lider ng Kamara ang mga global partners ng Pilipinas “na makiisa sa amin, na kinikilala na ang kalakasan ng demokrasya ay konektado sa lahat ng dako.

Iginiit din ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng mga gagawing pagpili ngayon na magkakaroon ng epekto habambuhay.

Sinabi niya na ang Pilipinas ay nangako na maging isang matatag na katuwang sa paghahangad ng isang mundo na tumutupad sa mga pangako nito, pinahahalagahan ang kapayapaan, at naghahangad ng kaunlaran para sa lahat.