Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang kaniyang suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kaniyang desisyon na sertipikahang urgent ang isinusulong na amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL).
Ayon kay Speaker Romualdez, ang nasabing legislative action ay patunay sa commitment ng gobyerno na pababain ang presyo sa merkado ng mga pangunahing bilihin lalo na ang bigas at peotektahan ang mga magsasaka at consumers laban sa mga walang konsensiya na mga mangangalakal at profiteers.
Inihayag naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na kaniyang sertipikahang urgent ang nasabing panukala.
Binigyang-diin naman ni Romualdez na ang pag sertipika bilang urgent ng Pangulo sa pag amyenda sa Rice Tariffication Law ay isang mahalagang hakbang tungo pagkamit ng food security sa lahat ng mga Filipino.
Kabilang sa isinusulong ng Kamara ay ibalik ang mandato sa National Food Authority na makapag benta muli ng bigas sa merkado.
Nanawagan naman si Speaker sa mga house members na magkaisa para amyendahan ang batas dahil mas magiging abot kaya na ang presyo ng bigas sa mga mahihirap nating mga kababayan.
Binigyang-diin pa ng House leader na ang kanilang ginagawa sa Kamara ay para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.