-- Advertisements --

Isang linggo bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at ang muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso, tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pag-apruba ng Kamara de Representantes sa panukalang 2025 national budget, at ang nalalabing panukala na prayoridad na maaprubahan ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) at dagdag na panukalang mailalahad sa SONA.

Sinabi ni Speaker Romualdez na handa na ang Kamara na tanggapin ang panukalang P6.325 trilyong National Expenditure Program (NEP), na siyang pagbabatayan sa gagawing 2025 General Appropriations Bill (GAB).

Target umano ng Kamara na aprubahan ito sa Setyembre.

Ang 2025 NEP, na mas mataas ng 10 porsiyento sa P5.768-trilyong budget ngayong taon, ay katumbas ng 22 porsiyento ng gross domestic product ng bansa.

Inaasahan na isusumite ng Department of Budget and Management ang 2025 NEP sa Hulyo 29, matapos itong repasuhin ng buong Gabinete.

Alinsunod sa 1987 Constitution, ang NEP ay dapat na maisumite sa Kongreso sa loob ng 30-araw mula sa araw ng SONA. Kapag naaprubahan ito ng Kamara at Senado ito ay magiging General Appropriations Bill na isusumite sa Pangulo. Kapag nilagdaan ng Pangulo ito ay magiging General Appropriations Act.

Bukod sa panukalang budget, sinabi ni Speaker Romualdez na ipapasa rin ng Kamara ang mga panukala na nais na maging batas ng Pangulo sa nalalabing bahagi ng 19th Congress.

Kung mayroon umanong dagdag na panukala na hihilingin ang Pangulo sa kanyang SONA ay bibigyan din ito ng prayoridad ng Kamara na maipasa.

Ayon kay Speaker Romualdez ipapasa rin ng Kamara ang nalalabing LEDAC priority bills.

Mula sa simula ng 19th Congress noong Hulyo 2022, makikita ang magandang performance ng Kamara.

Ayon kay Speaker Romualdez, handa ang Kamara na maisabatas ang lahat ng 28 LEDAC priority bills na target matapos ngayong 19th Congress o hanggang Hunyo 2025. Ito ang pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), Agrarian Reform Law, at Foreign Investors’ Long-Term Lease Act.

Sa pinakahuling pagpupulong ng LEDAC ay naidagdag sa prayoridad ang panukalang Archipelagic Sea Lanes Act, reporma sa Philippine Capital Markets, at amyenda sa Rice Tariffication Law. Ang tatlong ito ay natapos na rin ng Kamara.

Samantala, nagpahayag ng kumpiyansa si Speaker Romualdez ng mas magandang kolaborasyon sa Senado na pinamumunuan na ni Senate President Francis “Chiz” Escudero.