-- Advertisements --

Ibinida ni House Speaker Martin Romualdez na buhay na buhay pa rin ang “unity” o pagkakaisa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Itoy matapos dumalo ang animnapu’t tatlong kongresista sa ginanap na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa lalawigan ng Benguet.

Ayon kay Romualdez, ang BPSF sa Benguet ang nakapagtala ng pinakamaraming presensya ng mambabatas upang saksihan ang pamamahagi ng ayuda at paghahatid ng serbisyo ng gobyerno.

Kahit naka-bakasyon aniya ang Kongreso ay naglaan pa rin ng panahon ang mga kasamahan sa Kamara para makita ang direktang tulong ng pamahalaan.

Umaasa ang Speaker na magsisilbing inspirasyon ang BPSF para sa mga kapwa kongresista upang tularan ito at ipatupad ang service caravan sa kani-kanyang distrito.

Target ni Romualdez na mapuntahan ang kabuuang walumpu’t dalawang probinsya sa bansa sa mga nalalabing buwan.

Sa kabilang dako, nasa 8,000 mga beneficiaries sa Benguet ang nabiyayaan ng tulong.

Nasa kabuuang P25 million tulong pinansiyal, bigas at iba pang mga serbisyo na inaalok ng gobyerno.