Nananawagan si Speaker Ferdinand Martin Romualdez na mas lalo pang patatagin ang ugnayan ng mga bansa para sa mas matatag na ekonomiya, at responsableng pamamahala sa teknolohiya upang harapin ang mga hamon sa seguridad at ekonomiya sa Indo-Pacific region.
Sa kanyang talumpati sa ginanap na Parliamentary Intelligence-Security Forum (PI-SF), binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang tumitinding tensiyong geopolitikal, kahinaan ng ekonomiya, at mga hamong dulot ng teknolohikal na pagbabago sa rehiyon ay nangangailangan ng isang sama-samang pagtugon mula sa pandaigdigang komunidad.
Nakatuon ang talakayan sa Indo-Pacific region, na kinabibilangan ng mga malalaking ekonomiya tulad ng China, Japan, India, at South Korea, at patuloy na nagiging sentro ng mga hindi pa nareresolbang hidwaan at kompetisyon.
Pinagtibay din ni Speaker Romualdez ang pangako ng Pilipinas na pagsunod sa international law sa pagtatanggol ng karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Nagbabala rin si Speaker Romualdez laban sa gray-zone tactics, pamumwersa at militarisasyon sa artificial islands, na nagdudulot ng banta sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Sinabi pa ng pinuno ng Kamara na gumagawa na ng mga hakbang ang Pilipinas upang palakasin ang maritime jurisdiction ng bansa, kabilang na ang pagsasabatas ng Philippine Maritime Zones Act at Philippine Archipelagic Sea Lanes Act.
Hinihikayat niya ang mga kapwa mambabatas na gamitin ang kapangyarihan sa paggawa ng batas upang mas mapagtibay ang alyansa at itaguyod ang pandaigdigang kasunduan para sa katatagan ng rehiyon.
Hamon pa ni Speaker Romualdez sa mga mambabatas na isulong ang regional strategy na nakabase sa pagpipigil, katatagan, at dedikasyon upang mapanatili ang kapayapaan at kaunlaran sa Indo-Pacific.
Hinikayat niya ang kanyang mga kapwa mambabatas na suportahan ang multilateral cooperation at ipaglaban rule of law, na kinikilala na ang Indo-Pacific ay hindi lamang isang rehiyon ng kompetisyon, kundi isang rehiyon na may magkakasamang layunin para sa katatagan at pag-unlad.