Isinulong ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang paglalatag ng modernong flood management masterplan sa Metro Manila matapos ang naranasang malawakang baha sa pananalasa ng bagyong Carina at Habagat.
Ginawa ng pinuno ng Kamara ang pahayag habang namamahagi ng relief goods sa mga biktima ng bagyo sa San Juan City, noong Huwebes kung saan nakasama nito si Rep. Ysabel Maria Zamora at ilang lokal na opisyal.
Sinabi ni Speaker Romualdez na dapat isama sa bagong pagpaplano ang pagsasaalang-alang ng relokasyon ng mga nakatira sa mga mabababang lugar at mga lugar na madalas bahain, habang binibigyang-diin niya ang epekto ng pagbabago ng klima sa tindi ng mga bagyo at pagbaha.
Suportado rin ni Speaker Romualdez ang panawagan na imbestigahan ang mga sanhi ng matinding pagbaha at ang pagtiyak na tama ang ginagawang paggamit ng pondo para sa flood control projects.
Tiniyak din ni Speaker Romualdez na isasama sa panukalang P6.3-trilyong pambansang badyet para sa 2025 ang pondo para sa flood control infrastructure upang matugunan ang mga kasalukuyang pangangailangan.
Aniya, hinihintay na lamang ng Kamara ang panukalang 2025 national expenditure program na isusumite ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kongreso sa Hulyo 29.
Umaasa naman si Speaker Romualdez na maraming natutunang aral mula sa naranasang pagbaha.
Binibigyang-diin din ng Speaker ang mga pagsisikap ni Pangulong Marcos sa pag-inspeksyon ng mga lugar na nasalanta ng bagyo at ang pamamahagi ng mga relief goods.