-- Advertisements --

Nakipagpulong si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Martes sa kanyang Japanese counterpart, si Speaker Fukushiro Nukaga, sa Tokyo at kanilang napagkasunduan na suportahan ang lalong pagpapalakas sa bilateral relations ng Pilipinas at Japan.

Ayon kay Speaker Romualdez ang bilateral relations sa pagitan ng Pilipinas at Japan ay “at an all time high.”

Sinabi ng lider ng Kamara napatunayan ng Pilipinas na ang Japan bilang isang maaasahang partner sa iba’t ibang larangan gaya ng official development assistance (ODA), maritime security initiatives, at pagtaguyod sa pag-unlad at katatagan ng rehiyon.

Nagpasalamat naman si Speaker Nukaga kay Speaker Romualdez sa pagkilala nito sa tulong na naibigay ng Japan.

“Thank you very much for mentioning the wide range of good things. I’m very glad that Japan and the Philippines have built a very good bilateral relations,” sabi ni Speaker Nukaga.

Mula ng itaas ang relasyon ng Pilipinas at Japan sa strategic partnership noong 2011, lumawig na ang kooperasyon ng dalawang bansa sa mga tradisyonal na larangan gaya ng politika, depensa at ekonomiya.

Ang dalawang bansa ay mayroon na ring maritime cooperation, peace process, at people-to-people exchanges kasama na ang turismo.

Matatandaan na bumisita si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Japan noong Pebrero 8-12, 2023 kung san naka-usap nito si Prime Minister Kishida Fumio at nakipagkita kina Emperor Naruhito at Empress Masako.

Pumunta naman si Prime Minister Kishida sa Pilipinas noong Nobyembre 3-4, 2023.

Muling bumisita si Pangulong Marcos sa Japan noong Disyembre 16-18, 2023 upang dumalo sa 50th ASEAN-Japan Commemorative Summit.

Sinamantala rin ng First couple ang pagkakataon at muling binisita ang Emperor at Empress.

Ipinagdiwang ng Pilipinas at Japan ang ika-67 normalized relation nito noong Hulyo 23, 2023, at ika-12 taon ng strategic partnership nito mula noong 2011.