-- Advertisements --

Mariing kinondena ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagkalat ng mga pekeng balita at gawa-gawang krimen sa social media na nagdudulot ng takot sa publiko at sumisira sa progresong nakakamit sa pampublikong kaligtasan.

Panawagan ni Speaker sa publiko lalo nasa mga netizens na huwag maging tagapagsalita ng kasinungalingan lalo na sa mga krimen dahil ang katotohanan ay bumaba ang krimen sa bansa.

Pinapurihan ni Speaker Romualdez ang Philippine National Police (PNP) sa mga nagawa nitong reporma sa ilalim ng administrasyong Marcos na nagresulta sa pagbaba ng focus crimes gayundin ang mabilis na pagkaka-aresto ng suspek sa road rage shooting sa Antipolo City.

Kinilala niya ang mga repormang ipinatupad ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil gaya ng mas maayos na estratehiya sa pag-pigil ng mga krimen na nagbabalik ng tiwala ng taumbayan sa mga otoridad at pagpapakita na buhay at gumagana ang rule of law sa bansa.

Sa opisyal na datos ng Philippine National Police (PNP) nagkaroon ng 26.76% na pagbaba sa focus crimes—mula sa 4,817 na kaso sa pagitan ng January 1 hanggang February 14, 2024, bumaba ito sa 3,528 sa kaparehong panahon ngayong taon.

Babala ng lider ng Kamara, ang pagpapakalat ng mga video ng pekeng mga krimen at mga hindi maberipikang mga ulat ay nag-aaksaya sa resources ng mga alagad ng batas ngunit nakakasira din sa tiwala ng publiko sa sistema ng hustisya sa bansa.

Nanawagan ang lider ng Kamara sa mga social media users at mga content creators na magkaroon ng integridad sa kanilang ginagawa.

Nagpaalala rin ito na ang kalayaan na magpahayag ay hindi dapat ginagamit sa pagpapakalat ng mga kasinungalingan.

Binigyang diin ni Speaker Romualdez ang pangangailangan ng kolektibong aksyon para mapanatili ang katotohanan ang kaligtasan ng publiko.

Ipinunto ni Romualdez na ang pagtingin sa isang bagay ay maaaring maging makapangyarihan gaya ng katotohanan.

Muling tiniyak ng Speaker ang suporta ng Kamara de Representantes sa modernisasyon ng PNP sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., at iginiit ang kahalagahan ng kapayapaan at pagbibigay ng proteksyon sa katotohanan.