Kinumpirma mismo ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na nakatakdang magsagawa ng imbestigasuon ang Kamara hinggil sa umano’y “gentleman’s agreement sa pagitan ni dating Pang. Rodrigo Duterte at China kaugnay sa isyu ng West Philippine Sea.
Sa pulong balitaan sa kamara sinabi ni Romualdez na bilang pagtupad sa “oversight powers” ng Kapulungan ay kanyang aatasan ang kaukulang komite para imbestigahan ang naturang kasunduan.
Layon nito na matukoy ang epekto ng naturang kasunduan sa pambansang interes, lalo na sa soberanya at integridad ng Pilipinas sa ating mga teritoryo.
Inihayag ni Romualdez na gaya ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ay “horrified” siya sa ideya ng gentleman’s agreement, dahil maaaring may nakompromiso rito.
Kaya sa pamamagitan ng pagsisiyasat ng Kamara mababatid ang katotohanan sa likod ng umano’y secret deal.
Kung maalala, inihayag ni dating Pang. Duterte, mayroon silang kasunduan ni Chinese Pres. Xi Jinping na “status quo” sa West Philippine Sea, partikular ang umano’y “ban” sa pag repair at resupply sa BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal.
Subalit binigyang-diin ni Romualdez na ang Ayungin Shoal ay parte ng Exclusive Economic Zone o EEZ ng Pilipinas na pinagtibay ng 2016 arbitral ruling ng UNCLOS.
Sa gagawing imbestigasyon, ipapatawag ng kamara ang mga dating opisyal ng Duterte administration.
Layon ng imbestigasyon para hindi na maulit ang nasabing asunto na siyang iginigiit ngayon ng China.