Kumpiyansa si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na darami pa ang pamumuhunan ng mga Amerikano sa bansa matapos ang matagumpay na Philippine Dialogue sa Washington D.C. kung saan ipinakita ang kagandahan ng pamumuhunan sa Pilipinas.
Sa naturang event, ipinakita ni Finance Secretary Ralph Recto sa mga negosyanteng Amerikano ang natatanging pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang mga magagandang polisiya ng administrasyon, na sinabayan ng pro-business reforms na mistulang red carpet para sa mga dayuhan at lokal na mamumuhunan.
Sina Speaker Romualdez at Philippine Ambassador to the US Jose Manuel “Babe” Romualdez ay kabilang sa mga dumalo sa event na nilahukan din ng may 90 executives mula sa iba’t ibang US-based funds at corporations, multilateral institutions, at pampublikong sektor.
Sinabi ni Speaker Romualdez na mayroong mga mamumuhunan na nagpahayag ng kanilang interes na mamuhunan sa bansa o palawigin ang kanilang kasalukuyang operasyon at sinuportahan ang plano ng administrasyong Marcos na maging mabilis ang pagnenegosyo sa bansa.
Tinukoy nito ang komento noong event ni HSBC Public Sector Banking Chairman of the Global Banking and Markets Michael Ellam na ang komprehensibong reporma ang nagpatatag sa bansa sa kabila ng hamong kinakaharap sa mundo.
Sinabi ni Speaker Romualdez na nakadagdag din sa tinitignan ng mga mamumuhunan ang mga bata, tech-savvy, at English-speaking workforce ng Pilipinas.
Binigyan-diin ng lider ng Kamara ang kahalagahan ng makasaysayang trilateral meeting nina Pangulong Marcos, US President Joe Biden, at Japan Prime Minister Fumio Kishida.
Ayon kay Speaker Romualdez patuloy na susuportahan ng Kamara si Pangulong Marcos upang matupad ang magandang pangarap nito sa Pilipinas na maging upper middle-income economy sa 2025.