Makikipagpulong ngayong araw si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa bagong upong si Senate President Francis “Chiz” Escudero upang pag-usapan ang mga panukala na bibigyang prayoridad na maipasa ng Kongreso kasabay ng pagpapalakas ng ugnayan ng mga ito.
Sa panayam sa pagdiriwang ng ika-126 Araw ng Kalayaan sa Barasoain Church sa Bulacan nitong Miyerkoles, binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na maging pareho ang tinatahak na direksyon ng dalawang kapulungan.
Sinabi ni Speaker Romualdez na natapos na ng Kamara ang mga prayoridad na panukala na hinihingi ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., partikular ang mga binanggit nito sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) at ang mga panukalang natukoy ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na mapalakas ang kooperasyon ng Kamara at Senado upang maging matagumpay ang implementasyon ng mga programa at repormang inilalatag ng administrasyon.
Ang Kongreso ay kasalukuyang naka-recess matapos mag-adjourn ang regular session ng 19th Congress noong Mayo 22.
Muling magbubukas ang sesyon para sa ikatlong regular session sa Hulyo 22, ang araw kung kailan ang ikatlong SONA ni Pangulong Marcos.
Posibleng matalakay din sa pulong ang isinusulong na pag-amyenda sa economic charter.